Sa may Aduas na nagkakilala sina Lilibeth at Egay. Tagahugas noon si Lilibeth sa isang klab habang si Egay nama’y serbidor sa isang karinderya. Sa tinatawag na Looban nila naumpisahang mangarap. Sa tinatawag na Looban nila natutunang abutin ang bituin. At sa bawat gabing pinagsasaluhan nila ang alay ng isa’t isa, unti-unti’y nagkakaroon ng malalim na kahulugan ang kanilang kaluluwa. At habang nalalasahan-nadarama nila ang bunga ng karnal na pag-aalay, unti-unti ring nagiging isa ang kahulugan ng pait, hirap, sarap, at ligaya sa kanila. At isang gabi nga’y narating nila ang tugatog ng sukdulan, nang masukol nila ang hanggganan ng lakas-tibay-tikas ng bawat isa, isang malalim-malakas-nakakalibog na ungol at buntong-hininga ang nagsilbing tuldok ng lahat. At pagkatapos, sabay silang nagpatianod sa uyayi ng antok sa dibdib ng mundong tila hindi napapagod sa paghele. At sa gabi ngang yao’y sino pa nga ba ang mga saksi kundi ang manipis nilang kisameng yari sa playwud, ang nakalatag na banig na nagsilbi nilang teatro, ang elektripan, ang upuang plastik, ang ilang piraso ng platito, pinggan, kutsara, at baso sa tabi ng baldeng ipunan ng tubig sa ibabaw ng hugasang kahoy, ang diploma ni Egay sa elementarya, ang larawan nila ni Lilibeth nang minsang namasyal sila sa SM, ang kalendaryong pinamumugaran ng imahen ni Ara Mina habang hawak-hawak ang isang bote ng cuatro cantos, ang lumang tokador na nahingi ni Lilibeth sa among lalaki, ang larawan ni Maria, ang larawan ng Tatlong Persona, at ang Batang Kristong nakangiti habang hawak ang isang maliit na gintong bilog. Marami nga sila, subalit sa gabi nga ng pag-aalay na iyon, lahat sila’y naging bulag, pipi, at bingi. Salamat sa lalamunan ng dilim at kahit papaano’y naaari ni Lilibeth at Egay ang mundong sa salapi at kapangyarihan umaandar.
Tahimik nang gabing yaon ang Aduas. Hanggang sa punitin nang nakakagulantang na palahaw ang kanilang gabi. Hindi pa pumuputok ang mga silahis sa silanga’y nagkukulay bukang-liwayway na sa dilim ang Looban, ang buong Aduas. Nilalamon na ito ng apoy!
Naglaho sina Lilibeth at Egay at sampung iba pang anak ng burak kasabay ng mga gumuhong kastilyong yari sa tagni-tagning kahoy, playwud, yero, ilusyon, at pangarap.
