Alay sa mga magsasakang pinaslang sa Negros.
Ang pilapil ang nakadinig
Ng kanilang unang uwa
Ang pilapil ang sumalo
Ng kanilang una at ikatlong dapa.
Ang pilapil ang bahay-bahayan
Ng kanilang kamusmusan
Ang pilapil ang kapalaran
Ng kanilang bawat taong nagdaraan
Ang pilapil ang saksi
Sa paghalo ng pawis at dugo
Na kadalasang tinutuyo ng araw
At minsa’y tianod ng ulan.
Ang pilapil ang saksi
Sa maghapong yukuan at
Magdamag na bungkalan habang
Kumakalam ang tiyan.
Ang pilapil ang nakadinig
Ng mga umalingawngaw na putok
Ang pilapil ang sumalat at sumalo
Ng kanilang katawang habag.
Sa piling ng pilapil
Naroon ang mga humihinga pa
Yaong mga puso’y pumipintig pa
Nakaluhod, nagsusumamo, lumuluha.
Sa piling ng pilapil
Naroon ang iba
Awang katawa’y pataba
Sa lupang minsan nilang sinaka.
Sa piling ng pilapil
Naroon sila
Dugo’y umaagos, tumatagaktak habang
Panginoong may lupa’y humahalakhak
Sa kamkam na pilak.
