Larawan

Pagtitiis

Isa si “Ondoy” sa mga kalalakihang lumalahok sa magdarame, ang tawag sa mga grupo ng kalalakihan na nagpepenitensya tuwing Mal a Aldo. Hindi tulad ng iba na magkakasamang ginagawa ang magdarame, mag-isang binubuno ni Ondoy ang proseso ng paghampas ng maliit na kawayan sa kaniyang likuran. Ayon sa kamag-anak ni Ondoy, ginagawa niya ang magdarame ng mag-isa sa loob ng limang taon—upang mas magkaroon ng ‘mas personal’ na koneksiyon sa Amang Maylikha. (Larawan: Maria Kristelle C. Jimenez)

PAGPANATA

Panandalian, sasakluban ko ang aking mga mata ng dilim.

Sa katawan ko’y ihahasik ang batas ng magdarame; kapangyarihan upang mapawi ang mga kinasangkapan sa pagbuo ng kasamaan. O, mal a aldo—sa iyo ko ihahampas ang mga hiling ko mula sa langit! Hanggang ang pawis ko’y mahaluan ng dumadaloy kong dugo.

Ang larawan na ito ay kuha sa ilang bahagi ng Lumang Riverside na nakapuwesto sa ilalim ng Abacan Bridge. Sa loob ng dalawang dekada, nabuo ng mga residente ang kanilang tahanan mula sa pinagtagpitagping yero, plywood, kable ng koryente, at maging ilang hollow blocks. Upang hindi tangayin ng malalakas na hangin ang naturang “bahay na kahoy”, ang ilang residente ay dinaragdagan ng pundasyon ang kanilang bahay mula sa sinakong buhangin at lahar. (Larawan: Maria Kristelle C. Jimenez)

PAGPASAN

Sakbit sa paglalakad ang dalawang timba ng tubig na siyang lilinis sa katawang binahiran ng hindi-mapantayang pagod. Sa pagitan ng tubig at tulay ay mga kamay at mga matang tinatanaw ang minimithing langit. Nang matunton ang banghay ng pinagtagpi-tagping pangarap na binuo sa kahoy at yero; nabuo ang imahen ng sakripisyong walang kapantay.

Itinuro sa akin ni Mang Ponciano (isa sa mga opisyal ng Barangay Malabanias) ang bagong bahagi ng Riverside. Matapos daanin ang ilang metro ng lubak na daan na nababalot sa lahar, buhangin, at ilang deposito ng basura’t plastik, matatanaw ang karagdagang bahagi ng Riverside sa taas ng dike ng Ilog Abacan. (Larawan: Maria Kristelle C. Jimenez)

PAGPANAOG

Mula sa dakong paroon, tinanaw niya ang pilas ng bughaw na kalangitan. Matagal na rin siyang namalagi sa ilalim—kung saan hanggang tanaw na lamang ang pagitan ng tulay at estero. At ngayon, mula sa mahaba-habang pagsasakripisyo ay natagpuan na niya ang hinahanap na kasagutan: mananatili siyang nasa parang ng pagtitiis.

Kung sa pagtitiis niya noon sa ilalim ang siyang bumuo sa bagong mundo sa ibabaw—siguro nga’y totoo na sa lupa’y mayroong langit.

Dating namasukan si “Rhiza” bilang walker sa Fields Avenue. Dala ng kawalan ng mainam na pagkukunan ng pang-araw-araw na pangangailangan para sa kaniyang pamilya, isinantabi niya muna ang mga agamagam at nagsimulang magbenta ng katawan. Bunga si “Steve” ng isang gabi niyang pakikipagniig sa isang Australyano. Ito na rin ang nagtuldok sa minsang pagpasok sa mundo ng prostitusyon. (Larawan: Maria Kristelle C. Jimenez)

PAGLINGON

Sabay nating nilingon ang daang hindi natin alam kung saan patungo. Inay, hindi man natin magagap ang lahat ng misteryong hindi tanaw ng ating paningin—patuloy mo pa rin akong tinatangan. Mahirap man ang ating kalagayan, hinahamak mo pa rin ang daan nating masukal. At sa aking pagpikit, nariyan pa rin ang ‘yong bisig upang muli akong bigyan ng init ng iyong pag-ibig.

Ang yakap mo ang pinakamagandang imahen ng pagpapagal.

Habang iniinom ang isang bote ng Sam Da Soo mineral water na binili ko sa isa sa mga istante sa loob ng Fields Avenue, namataan ko ang tatlong walkers na naglalakad palabas ng arko. Nagpakuha pa sila ng larawan sa akin bago ko tuluyang tapusin ang aking iniinom. (Larawan: Maria Kristelle C. Jimenez)

PAGPATID

Katawan natin ay hayaang malunod sa dilig ng pambihirang tubig mula sa ating pangarap na lupain. Iginigiya pa rin natin ang mga katawan sa mapaglarong dilim. Napapagal man ang ating puso sa walang-humpay nating sugal sa tadhana, hayaan ninyong ihatid ko ang likido na papatid sa kaluluwang patuloy na nauuhaw. Dahil ito ang naratibo ng ating pagpapagal: ang pagpawi sa mga duming bumabalot nang higit pa sa ating katawan.


Nagtatrabaho bilang freelance writer, layout artist, at website specialist sa Pampanga si Maria Kristelle Jimenez. Ilan sa kaniyang mga akda ay nakatanggap ng karangalan sa Saranggola Blog Awards at Gawad Digmaang Rosas. Ang kaniyang website na Espermarya ay panaka-nakang naglalabas ng mga libreng babasahin. Ang ilan sa kaniyang mga journalistic essay ay nailalabas sa Assortedge, Philippines Graphic, maging sa Vox Populi. Sa ngayon, tumatayo siya bilang isa sa tagapamahala ng KADLiT: Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik. Siya rin ang kumakatawang founder-owner ng Rebo Press Book Publishing, at kasalukuyang Associate Editor sa Filipino ng Revolt Magazine. Maaring mag-iwan ng mensahe sa kaniya: mkcjimenez@revoltmagazineph.ink. Makipaghuntahan kay Maria sa Minds at MeWe.

3 comments

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: