Maikling Kuwento

Ang Pangatlong Sulok sa Triangulo ni Adriano San Jose

from: engrleandro@gmail.com
to: vicente.delacruz@gmail.com
date: Sat, Jan 2, 2027 at 11: 15 PM
subject: Re: McIntyre new book
mailed-by: gmail.com

Dear Pres Enteng,

Happy new year! Kumusta ho riyan sa LA?

 Salamat ho sa padala ninyong kahon at pamasko para kela Zackie at Trizia, hane? Pagkatapos ng Xmas rito e back-to-work na ho talaga ang organisasyon para sa Morong anniv. Ka mo nga sa iyong video na pinalabas namin sa members nung Xmas party e, iyang one year na iyan, nakow, bambilis lang niyang lilipas. Akala mo marami ka pang oras pero kamukat-mukat e 450th anniv celeb na natin.

Anyway pres, update ko laang kayo ukol sa binabasa ko ngay-ong libro by Max McIntyre na “Bastions of the Brotherhood: Katipunan Documents, 1895-1896” ng Anvil Press. It was launched just nitong November pala, pres. (Mukhang hindi nasagap ng radar namin rito at nagbisi-bisihan kami nung buong Xmas season.)

Itong si McIntyre, according to my research, e isa sa masugid na sumubaybay sa work ni Jim Richardson. If you would recall, Jim Richardson wrote “The Light of Liberty: Documents and Studies on the Katipunan, 1892 – 1897” in 2013. Many hailed that as one of the most comprehensive and “fresh” take, ika nga, on the KKK brotherhood at that time na palagi namang pinag-uusapan at pinagdedebatihan ang motives and true nature.

 So in the years that followed, ito namang si McIntyre ay nag-build on the foundation na binuo ni Richardson sa kanyang libro at websites na <http://www.kasaysayan-kkk.info/&gt; at <http://bonifaciopapers.blogspot.com/&gt; sa pamamagitan ng pagtatayo rin ng kanyang sariling website: <http://www.kkk-bastions-of-brotherhood.com/&gt;. Itong mga kinalap at ipinost niyang letters sa website ay, eventually, inilapit niya sa Anvil na nagresulta sa librong ito ngay-on.

 Kung titingnan ho iyung huling Appendix ni Richardson, sinabi naman niya mismo na banrami pang archives na hindi nasusuyor na, palagay niya, naglalaman ng iba pang mga dokumentong nauukol sa Katipunan. Eh, it seems na ito hong si McIntyre pres, ka nga nila, was “up to the challenge”. Kaya itong kanyang “Bastions of the Brotherhood” e pulos mga letters and documents na galing roon sa mga archives na hindi pa nasusuyor ni Richardson (pero inilista niya sa Appendix F ng “Light of Liberty”).

 Kaya rin ho pinamagatan ni McIntyre ng “Bastions of the Brotherhood” ang kanyang libro e, to quote him in his Preface: “These letters and documents now also, more than ever, substantiate the assertion that the Katipunan was truly a pambansang kilusan (Llanes, Ed. 1994) and that numerous bastions of the brotherhood were keeping the fire of revolution ablaze all over the Philippine islands.”

 E kaya naman ho ako aligaga ngay-on sa pag-email sa inyo e dahil lumitaw tayo sa mga nakalap niyang letters. Well, ibig ko hong sabihin e lumitaw ang Morong. Nakuha ni McIntyre ang isang set na ito ng mga liham sa isa sa mga “Sediciones y Rebeliones” folders ng National Archives. Iniscan ko ho ang mga transcription niya ng mga sulat para makita nyo rin.

 Asahan ko ho ang inyong feedback tungkol dito. Meanwhile e tatapusin ko na ang chapter tungkol sa Morong Katipunan habang wala pang gaanong ginagawa sa office para mai-discuss ko na rin ho sa inyo, pres.

−Lean

7 Attachments


Í
[HAND-DRAWN KATIPUNAN SYMBOL]

K x K x K x
ng̃ mang̃a
A x N x B x

Sa K. Tagalanang̃, Punong̃ Hukbo sa Poblacion, Morong̃,

            Minamahal na kapatid:

            Natang̃ap ko ang̃ iyong̃ ipinadalang̃ liham noong̃ nakaraan at ikinagagalak kong malamang̃ untiunting̃ sumisibol ang diua at alab ng̃ Himagsik diyan sa iyong̃ baluarteng̃ Morong̃. Pakaalagaan at tulotan mo ng̃ naaang̃kop na pag gabay at pag ba bantay ang̃ dalaua mong̃ naunang̃ naipasok na sina K. Umaayuda at K. Dimaharabas .

            Ipagpaumanhin mo sana k. ng̃uni,t di ko maiwasang̃ mag agamagam ukol sa pang̃alawang̃ bagong̃ kasaping̃ iyong̃ nabang̃it pagka,t ayon sa iyong̃ initala sa nakaraang̃ liham, tila lubhang̃ hilau pa ang̃ diua at loob nitong̃ batang̃ itong̃ di pa man din suma sampa ng̃ labing pito. Dili kaya,y, magdulot ang̃ murang̃ isip niyang̃ kapus pa sa liuanag ng̃ karanasan ng̃ peligro sa itinatayo ninyong̃ Balang̃ay ?

            Naua,y, huag naman sanang̃ mapatutuo ang̃ gayong̃ hinala.

            Tang̃apin mo, K. Tagalanang̃ ang̃ mahigpit kong̃ yakap.

Ika 16 ng̃ Enero taong̃ 1896.                                                 

Ang K. Pang̃-Ulo

Maypagasa


Í

K x K x K x
N x M x A x N x B x

Sa K. Umaayuda:

            Minamahal kong̃ kapater:

            Gaya ng̃ nasabi ko sa inyo ni K. Metring̃, naito ako ng̃ay on sa Kaluukan upang̃ maki isa sa mahalagang̃ pagpupulong̃ na ipinatauag ng̃ S x Maypag na nau ukol sa susunor na mg̃a hakbang̃in ng ating̃ Him Napag pasiahang̃ rito na laang̃ magpa palipas ng gab e  at mag a ambag ambag na laang̃ pag rating̃ sa pagkain.

            Irini riin kong̃ kayo na ni K. Metring̃ ang̃ umayus sa lalung̃ madaling̃  panahon ng̃ anomang̃ nama magitan sa inyong̃ iring̃an at tampohan. Tanraan, K. Ciriaco, na Himito,t, walang̃ puang̃ para sa mang̃a binatillong̃ nag a auay, hane?

            Ika [unreadable] 1896

K. Tagalanang̃


Í

Kay G. Francisco

Angono

            Kagalang̃ galang̃ na Ginoo:

            Naito hu ako ng̃ay on sa Kaluukan upang̃ kaonin ang̃ isang̃ kamag-anak namin. Ipagpaumanhin hu ninyo, ginoo, at biglaan lamang̃ itong̃ aking̃ lakad.

            Mang̃yaring̃ iuan ninyo na lamang̃ ang̃ aking̃ mang̃a ipinaukit kay G. Ciriaco San Juan o dili naman kaya’y kay G. Demetrio De Agcap na pauang̃ namamasokan sa Comandancia.

            Marami hung̃ salamat.

            Ika 30 ng Febrero 1896

G. Adriano San Jose


Í

K x K x K x
N x M x A x N x B x

Pang-Ulong̃ K. Taktak:

            Ipinararating̃ ni Png̃ulo K. Tagalanang̃ ang kanyang̃ pag bati,t, kagalakan sa pag lauig ng̃ mang̃a                                               

pag kilos ng̃ inyong Balang̃ay riyan sa kabilang̃ bayang̃ Antxxx.

            Kaming dalauang K. Umaayuda at K. Dimaharabas Ung̃ang̃i, bilang̃ mang̃a kasang̃uni ni Png̃ulo K. Tagalanang̃

sa papayabong̃ pa rin  lamang̃ na Balang̃ay rito sa Morxxx, ay patuloy na maki kipag ugnayan sa mang̃a

darating̃ pang̃ araw ng̃ buan ukol sa mang̃a karagdagang̃ galaw at utos ng̃ Kx Sx.

            Ika 15 ng Marso 1896

Ung̃ang̃i

K. Umaayuda              K. Dimaharabas

K. Kasang̃uni               K. Kasang̃uni

By. [unreadable]


Í

K x K x K x
N x M x A x N x B x

Sa mahal kong̃ K. [unreadable]

            Pag bati.

            Ipinahayag ng Png̃ulo K. Tagalanang̃ na nang̃ang̃a ilang̃an ng̃ karagdagang̃ mang̃a copia ng̃ certifico ng̃ pagsapi at mga sasagutang̃ mang̃a tanung̃ang̃ papel para sa mang̃a nais maki anib sa Kxxx.

            Ako,y, nagtatanong̃ sa iyo k. kung̃ may nalalaman ka bang̃ malapit na imprenta na maaari nating̃ pag limbagan ng̃ mg̃a naturang̃ polyeto?

            Tang̃apin ang̃ mahigpit kong̃ yakap bilang̃ K.

            Ika 15 ng Abril 1896                           

Huling lagda—Sa katotohana,y, ang K. Dimaharabas Ung̃ang̃i ang itinalaga ng Png̃ulo K. Tagalanang̃ para sa utos na ito ng̃unit, gaya ng̃ karaniuan niyang̃ ugali,y, hindi na naman niya ito ginaua.        

Ung̃ang̃i

K. Umaayuda              K. Dimaharabas

K. Kasang̃uni               K. Kasang̃uni

By. [unreadable]


Í

K x K x K x
N x M x A x N x B x
Pang̃uluhan

O Kagalang̃ galang̃ na P x ng̃ K x S x Maypagasa

            Naua,y, niratnan  kayo sa ma tiwas ay na kalagayan niring̃ sulat na hare , hane  ? Akin rin hung̃ ipinararating̃ ang̃ aking̃ mahigpit na yakap sa mga kapater  natin riyang̃ nagsi pag tipon sa Balintauak.

            Sapul nang̃ ako,y, mag silbing̃ Pngulo K. rine  sa By. [unreadable] rito sa aming̃ bayan ng̃ Morong̃, naka malas na ako ng̃ pinimiran  ng̃ raming̃ iba,t ibang̃ uri ng tawong̃ nag nais maki anib sa Kx Kx Kx Nx Mx Ax Nx Bx. Iba,t, ibang̃ carera, iba,t, ibang̃ pinaniniwalaa,t, paninindigan .

            Mayruong̃ bang̃ alab  ng̃ mga salita,t, ramdaming̃ mapang̃himagsik ng̃uni,t, kapus naman sa gaua at kilos. Mayruon rin namang̃ inakala ko,y, mala kauayan laang̃ at sunor  sa hihip ng̃ hang̃in ng̃uni,t, bandang̃  hule,y, mag papakita ng pag kukusa,t, sigasig.

            Aba,y, mayruon rin namang̃ saksakan lang̃ hu talaga nang̃ ung̃ab  at ang̃ nasa isip ay marahil na ang̃ pinag hahanraan nating̃ Himxxx ay ka paris laang̃ ng̃ pang̃ing̃isda sa Ilog Morong̃ tuwing̃ Ling̃o ng̃ hapun. Ukol rito sa huling̃ uri ng kawal,y, ramdam ko,y, sa una pa laang̃ ay rininig  ko na rapat  ang̃ pauna mong̃ payo, M. na Supremo.

            Sa arau na ito ng̃ [unreadable] 1896 ay ganap ko nang̃ ipina pasa ang tung̃koling̃ ito ng̃ Pngulo kay K. [unreadable] Agustin Natividad na mulang̃ Binang̃unan, hane  ? Sa ng̃ayu,y, napag a alamang̃ kong̃ nagti tinrig  sila ng̃ kuta sa bunrok ng Tukip para sa na lalapit na pagsugor  sa kinalalagyan ng armamentong Espxxx.

            Tang̃apin hu ninyo ang̃ mahigpit kong̃ yakap bilang̃ kapater.

            [unreadable]

                                                                                                K. Tagalanang̃

                                                                                                By. [unreadable]

Politico-Militar Distrito de Morong̃


Í
[HAND-DRAWN KATIPUNAN SYMBOL]

K x K x K x
ng̃ mang̃a
A x N x B x
Kataastaasang̃ Sang̃unian

Mahal kong̃ K. Tagalanang̃:

            Tang̃apin mo ang̃ aking̃ mahigpit na yakap bilang k.

            Sa kabila ng̃ hirap kong̃ unauain ang̃ nakaraan mong̃ liham {tila iba ang̃ sulat kamay na naroon?}, nais kong̃ ipa batid na ang̃ iyong̃ pagta talaga kay K. [unreadable] bilang̃ Pngulo ng̃ inyong̃ By. [unreadable] ay aming̃ itina tala rito sa Kx Sx  at ipaa alam sa iba pang̃ mang̃a sang̃ay ng̃ Kx Kx Kx Nx Mx Ax Nx Bx 

            Hiling̃ ko lamang̃,y, kung̃ susulat ang̃ By. ninyo ng̃ mang̃a liham sa amin dito sa Kamaynilaa,y, huag sanang̃ gamitin ang̃ natatang̃ing̃ wikang̃ inyong̃ sina salita riyan nang̃ hindi ito mag dulot ng̃ kalitohan sa mang̃a mahalagang̃ buang̃ ito ng̃ ating̃ nalalapit na Paghihimxxx

            Sa aming̃ ibayo pang̃ paghahanda,y, makikipag ugnayan kami kay K. [unreadable] sa kanyang̃ itinayong kuta sa Bundok Tukip.

[unreadable]

K. Pang̃-Ulo

 Maypagasa


from: vicente.delacruz@gmail.com
to: engrleandro@gmail.com
date: Fri, Jan 15, 2027 at 9:00 PM
subject: Re: Bastions of the brotherhood
mailed-by: gmail.com

Happy new year rin, Lean!!

 Pasensya na at natagalan ang aking reply, hane? Arimuhan kami rito sa bahay naong nag-email ka gawa ng kami ang nag-host this year ng reunion sa side ni Gaying. Nagsiratingan lahat ng kamag-anak mostly from San Diego and Sacramento.

 I do remember seeing the “Light of Liberty” book in Ateneo Press around year 2014 when Mandee (my eldest na graduate ng Creative Writing) asked me to accompany her to their Christmas Sale. Pero hindi na namin siya nadampot. Thank you for bringing it to my attention, hane? I will also check the websites you gave me. I do think that this is the kind of information that would be perfect for the coffeetable book na mailalabas sana natin sa 450th anniv. Tuloy-tuloy lang tayo!

 I was going through the letters you scanned and sent me in the last e-mail. I couldn’t help noticing na puntong Morong sila nakasulat, hane? Esp. the 2nd and 6th letters. Aba e talagang naruon ang “hane” and “r” natin! Ganaon na laang ang paggamit ng punto at kahit ang Supremong Andres Bonifacio ay nahirapan sa pagbabasa!!

  I am interested to know what McIntyre said in his book about the three Katipuneros: Demetrio de Agcap, Ciriaco San Juan, and Adriano San Jose. Sina San Juan and San Jose have already been featured in the books “Morong’s 400 Years”: the old 1978 one with a green cover and then the one with the brown cover, pero same title pa rin. Si Adriano San Jose talaga ang nakapagtatag ng branch ng Katipunan riyan sa atin sa Morong. At documented rin na isa sa mga notable revolutionaries ay si Ciriaco San Juan. But these letters are telling us na mukhang si Ciriaco San Juan ang isa sa unang recruits ni San Jose. And that it was the three of them who formed the first “membership triangle” in the Morong Katipunan. Thanks to these letters, I think it is also the first time we know of any code names of our Katipuneros in Morong: Si San Juan ay si “Umaayuda”, si San Jose ay si “Tagalanang” (established nating galing siyang Barangay CCL), at si De Agcap ay si “Dimaharabas”. Tama ba ako? Nasunran ko ba??

 Si Demetrio De Agcap (bangkatuwa namang pangalan iyan aba!!) ang talagang ngay-on ko laang na-encounter. Para namang wala nang may ganyang apelyido sa Morong ngay-on, hane? Aside from that, napapakamot ako ng ulo at bakit naman niya gustong palitan ang “Dimaharabas” na maganda naman na code name to “Ungangi” !? Sa isip-isip ko e, from napaka-tough revolutionary, firebrand ang dating papunta sa tamar at walang-ginagawa?? Sino ba namang Katipunero ang pipili ng ganaong klaseng alias?

 Let me know what McIntyre says in his discussion. Kakaiba hareng kuwentong hare ah!!

VDC


from: engrleandro@gmail.com
to: vicente.delacruz@gmail.com
date: Mon, Jan 18, 2027 at 12:15 AM
subject: Re: McIntyre discussion
mailed-by: gmail.com

Dear Pres Enteng,

 I have finished reading McIntyre’s chapter on Morong. He did a good job in contextualizing the letters from Supremo Bonifacio; contextualizing in terms of what the entire Katipunan was planning during the months prior to the outbreak of Revolution in August and that the Supremo was really making the rounds sa East ng Kamaynilaan.  He also put forward his theory na nagkaroon ng kaunting di-pagkakaunawaan sa pagitan ni Ciriaco at Demetrio, made apparent by Adriano San Jose’s castigations in the second letter. What I find wanting ho sa kanyang discussion ay iyung patungkol sa “Ungangi” na codename ni Demetrio de Agcap. He leaves us with only this statement (which I quote in full):

“Whether ‘Ungangi’ is (a) Another Katipunan activist whom we must include in our growing list of Katipunan members or (b) the same person who, for some reason, wanted to change his nom de guerre, is a matter for further study and/or speculation.” (p. 178)

 I think ho na ang isang factor na nakaapekto sa pag-analyze ni McIntyre sa mga sulat e ang kanyang unfamiliarity sa iba pang punto ng Tagalog bukod sa Manila Tagalog or Filipino, ayon sa mga academics. Mukhang iyung mga words na may ‘r’ like “Irini riin”, “kapater”, “sunor” e fairly obvious naman at naintindihan niya. Sa old Tagalog documents and manuscripts esp. from 17th century e talagang pulos ‘r’ rin. Pero iyung mga talagang Morong words such as “pinimiran”, “ungab”, and of course “ungangi”, raon nag-suffer ang analysis ni McIntyre. Aba e kung alam lang talaga niya ang true meaning ng “ungangi”, aba edi banrami na niyang iba pang nasabi at na-conjecture!

 Sa totoo lang ho, pres, this past week e me sarili akong teoryang nabuo tungkol rito sa kakaibang mga bahagi ng mga sulat. Malaki suspetsa ko na hindi si Demetrio ang nagpalit sa sarili niyang alyas kundi si Ciriaco, dahil na rin sa pagkakaiba sa handwriting na kahit si Supremo Andres ay nakahalata sa last letter. At pansinin rapat natin ang pangangastigo ni San Jose: “Tanraan, [Kapater na] Ciriaco, na Him[agsikan]  ito,t, walang puang para sa mga binatilyong nag-aaway, hane?”  I’m thinking ho that these two served as Adriano San Jose’s secretaries and/or runners dahil siyempre, baka masyado na hong busy ang President Adriano tending to the entire Balangay. Tamang-tama rin naman ho at nagtrabaho yung dalawa sa Comandancia, most likely as escribantes or record-keepers.

 Ang kailangan na lang ho talagang malaman natin e kung sino ba talaga itong si Demetrio De Agcap? Baka ho may mapagtanungan rin tayong Morongueño oldies riyan sa US tungkol sa pamilya o kamag-anakan ni De Agcap?

 Will wait for your feedback ho, pres.

−Lean


from: vicente.delacruz@gmail.com
to: engrleandro@gmail.com
date: Wed, Jan 20, 2027 at 4:37 PM
subject: Re: Analysis of letters and De Agcap
mailed-by: gmail.com

Lean,

 Magandang araw!

 Past few days e tinitingnan kong maige (banlabo na ng mata ko aba!!) hareng mga letters at ipinakita ko rin kay Gaying. Mukhang plausible naman ang teorya mo. Talaga ngang magkaiba ang handwriting.  Iyung second and third letters ay may parehong style na may kahabaan ang pagsulat sa mga ibabang bahagi ng ‘f’, ‘g’, ‘j’, ‘p’, ‘q’, at ‘y’. On the other hand, dun sa mga may pinalitan ng “Ungangi” e parang punggok ang mga letra at malalapar, hane? Ka ko e nakuha pang maglaro ng mga ukol-ukol!!

 I will consult Emerson Sta. Catalina, residing now in San Francisco. Are you familiar with him? Siya hareng nagpo-post lagi sa Morong FB group with the name “Kang Emer”. Their family is originally from Maybancal talaga. Pero sa ngay-on e lahat na sila’y naka-base na rito sa US. Palagay ko e makapagbibigay siya sa atin ng clue as to who is this Demetrio De Agcap, at kung saang lupalop na napunta itong mga kapamilya nito!!

 Alam mo Lean, once we get to the bottom of this, kailangan itong maisali sa coffeetable book natin for the 450 Years of Morong. Katunayan e me naisip na akong title para sa feature na ito kunsakali: “Kulitan in Katipunan: The Peculiar Recruits of Adriano San Jose” or puwede ring in Filipino na “Kulitan sa Katipunan: Ang Pangatlong Sulok sa Triangulo ni Adriano San Jose” na mas focused on the mysterious Demetrio De Agcap. What do you think?

 VDC


from: engrleandro@gmail.com
to: vicente.delacruz@gmail.com
date: Thu, Jan 21, 2027 at 10:56 PM
subject: Re: [no subject]
mailed-by: gmail.com

 Dear Pres Enteng,

 Okay, noted ho pres! Yes, am familiar with Kang Emer pero thru FB laang. Banrami nga hu mag-post si Kang Emer sa Morong FB group, hane? Pero pulos tungkol sa “good ‘ol days” ng 1950’s and 60’s ang nakikita ko. Will try scrolling-down further sa ating group to see his other posts na baka mas maaga pa sa history.

 Nakow e di pa ho tayo sigurado sa mga pinag-uusapan natin at pulos “educated guesswork” pa lang lahat ito, pres! Haha! Once established na ho lahat, saka na ho natin pag-usapan iyong potential contribution nito sa ating coffeetable book. I was thinking ho na baka mas dapat nating unahing ipresenta ang mga ito sa NHCP at NCCA, and eventually kay McIntyre (researchable naman po ang kanyang contact details sa Ireland), for the sake of educational discussion and confirmation?

 Let’s see ho, pres.

−Lean


from: vicente.delacruz@gmail.com
to: engrleandro@gmail.com
date: Sat, Jan 23, 2027 at 8:56 PM
subject: Re: Consultation with Kang Emer
mailed-by: gmail.com

 Hi Lean,

 May punto ka nga. Pero once we get all the facts laid-out and confirmed, nakow anlaki namang kawalan kung hindi natin yan maisama sa 450 Years of Morong na book!!

 Kasasagot lang kanina ni Kang Emer sa aking e-mail. Bale ikinuwento ko briefly ang tungkol na nga sa libro ni McIntyre at sa mga teorya natin tungkol sa Morong Katipunan letters. Siyempre, tinanong ko rin kung san bang barangay ang pamilya De Agcap riyan sa Morong??

 Valuable ang naibigay niyang info, Lean. Ang sabi ni Kang Emer, ang kuwento sa kaniya ng mga pupu at  amba niya e the De Agcap family is really based sa Poblacion. At talaga namang may hagikgikan kapag natatawag ang mga batang De Agcap sa eskwela o kaya naman nakakasalubong sa sabungan si Amba Ito (Pedrito) De Agcap. Kung kaya naman e they changed their family name to Lumaban.

 Ngay-on thanks to Kang Emer e mas napadali tarbaho natin, hane? I know personally sina Tessie Lumaban (Tessie Lumaban-Aquino na yata ngay-on?) and her younger brother Banjo Lumaban. Si Tessie e ka-batch ko pa naon sa Morong High School although hindi kami ganaon ka-close. Baka mas maganda kung ikaw na ang umugnay sa kanila’t itanong kung ano ang nalalaman nila patungkol sa kapamilya nilang si Demetrio De Agcap.

 Let’s keep in touch, Lean.

VDC


from: vicente.delacruz@gmail.com
to: engrleandro@gmail.com
date: Tues, Feb 2, 2027 at 7:07 PM
subject: Re: [no subject]
mailed-by: gmail.com

Oh Lean, how are you? Any updates galing kina Tessie?

VDC


from: engrleandro@gmail.com
to: vicente.delacruz@gmail.com
date: Thu, Feb 4, 2027 at 11:45 PM
subject: Re: Kuwentuhan with Banjo
mailed-by: gmail.com

 Dear Pres Enteng,

 Magandang araw pres! Apologies ho for the delayed response. Pagkabasa ko ho nung e-mail ninyo e pinuntahan ko kaagar si Banjo. I know the Lumaban family, pres. FYI, si Banjo Lumaban ho e kababata ko’t kasama ko sa liga ng basketball naong araw. Pagkarating ko sa bahay niya sa Turentigue St. e gulat na gulat at nagpakita raw ulit akong walanghiya ako. Na-“walanghiya” pa ng kababata! Haha! At ano raw at napabisita ako ulit? Siyempre, walang kaabog-abog, tinanong ko kaagar kung may amba silang Demetrio De Agcap. Kinwento ko na rin in brief iyung ating proyekto na gusto sana nating maisali sa coffeetable book para sa 450 Years ng Morong.

 Nagtaka ako pres at biglang kumunot na ang noo niya pagkabanggit ko ng plano natin. Pinapasok na laang niya ako’t raon nakumpirma ang buong istorya:

 “Nakow, binatilyo pa laang siya nao’t parang laro laang ang tingin sa giyera a.” 

 Iyan ang mismo niyang statement, pres. Sabi niya, kumbaga e “open secret” na laang sa kanilang pamilya ang nangyaring parang away ng kanyang Ambang Metring at ni Ciriaco San Juan. Para nga raw talagang mga batang KSP iyung dalawa. Ang kuwento raw sa kanya e pinapalitan ni Ciriaco San Juan ang pangalan ng Amba niyang Metring. May pagkaungangi raw kasi talaga, sabi ng kanyang pupu. Gaganti naman si Amba Metring at papalitan ang pagkakasulat ng letters na si Ciriaco ang in-assign na gumawa, on behalf of Pres. Adriano San Jose. Nahirapan tuloy ngay-on maintindihan ng ibang Katipuneros itong mga sulat na nanggagaling sa Morong dahil nga, aba e, nakasulat sa puntong Morong!

 Mas binibida raw ng kanilang pamilya ang pagsali ng kanyang Ambang Metring sa Fil-American War. Namatay raw ito sa labanan kasama ang bandoleros under the wing of Macario Sakay. It was during this time, sabi ni Banjo, na napagdesisyunang magpalit na ng apelyido ang kanilang pamilya to “Lumaban”. So all throughout the American Period, Commonwealth, World War 2, up to today, iyun na talaga ang apelyido nila.

 It was exactly at that point in our conversation na rumating si Ate Tessie galing sa misa. Banlaki ho pala ng ipinayat ng ate Tessie, ngay-on ko na laang ulit nakita. Banlaki ng ipinayat at hukot ang balikat sa ilalim ng suot niyang Mother Butler uniform.

 Ikinwento ni Banjo ang aming usapan at tumingin sa akin si Ate Tessie for a few seconds. Tahimik lang sa buong salas. Sinabi na laang niyang bilang respeto sa kanilang pamilya, at sa ipinapamana nilang family history sa kanilang apu-apuhan e hwag na laang ituloy ang ating plano. Ragrag pa niya e: “Hindi ba’t nagraan rin naman kayo ni Banjo sa ganaon na kalukuhan? Sa pamilya na namin iyong yugto na iyon sa buhay ni Ambang Metring.”

 Ngay-on e nag-aalangan na akong ituloy itong proyekto natin, pres. Oo nga naman at kailangan nating igalang ang anumang internal agreement na mayruon sila sa pamilya nila. Although ako naman ho talaga e nasasayangan sa colorful anecdote in history na ito na maibabahagi sana hindi laang sa mga Morongueño kundi kahit sa iba pang may interest sa Katipunan and 1896 Revolution.

 What are your thoughts ho, pres?

−Lean


from: vicente.delacruz@gmail.com
to: engrleandro@gmail.com
date: Fri, Feb 5, 2027 at 5:49 PM
subject: Re: [no subject]
mailed-by: gmail.com

 Lean,

 Magandang araw! Hope all is well.

  Kung base sa kwento mo’t gay-on nga ang naging reaksyon ni Tessie ay mukhang hindi nga yata tayo rapat manghimasok. Although personally, ako naman, I would not mind sharing if I had a great-great-great… grandfather na known for kapilyuhan at some point in his life, hane?

 Mukhang sila na laang ang lubusang makakaunawa sa gay-ong bagay. Tuloy lang tayo sa preparations for our 450 years.

 VDC


Si Vincent Christopher A. Santiago ay kasalukuyang instruktor at gradwadong mag-aaral ng lingguwistika sa Departamento ng Linggwistiks, Kolehiyo ng Agham-Panlipunan at Pilosopiya, Unibersidad ng Pilipinas Diliman. 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: