Uhaw nang matagal
Ang banos1 na binungkal
Ng mga palad na pagal
Na waring putik-tingkal2.
Kaya’t si San Isidro Labrador3 na banal,
Kaniyang tinungo ang bukal
At tahimik niyang inusal,
“Alangaang dinggin yaring dasal
Binyagan ng luha ang bayang sakmal
Sa leeg ng Haring limbas-hangal.”
Pagputok nga ng liwanag kanyang ibinakal4
Ang harabas5 na hanging umunat sa pilay
Nang paniniwala ni Ingkong Polay:
Na ‘di na mababago pa ang taglay
Nilang kapalaran gaya ng niyang buhay
Ngunit laya’y patay
At maya-mayang hinahandungan sa kanyang balay6
Ng mga panal7 ng tagulaylay
Na para bang sa isang suhay
Ng nabubulok na mga butil ng palay.
1. Isang bloke o pitak ng lupa.
2. Tumigas na tipak ng lupa.
3. Pintakasi ng mga magbubukid.
4. Ibato o ibalibag.
5. Panabas ng palay.
6. Ilokano ng bahay.
7. Ibong-bukid na kumakain ng dumi ng kalabaw.
